Malabong Tanong, Malalim na Problema.

Image

Nang mag-commercial habang nanonood ng My Husband’s Lover nung isang araw, tinanong ako ng pinsan ko kung ano raw ang mas katanggap-tanggap para sa akin: ang makakita ng lalaki sa lalaki o babae sa babae na “mag-jowa”. Sabi niya, isa lang daw ang dapat kong piliin at hindi pwedeng wala.

Akala ko nung una, dahil MHL ang palabas, tinatanong niya kung ano ang mas katanggap-tanggap na mapanood sa TV. Pakiramdam ko nung oras na ‘yon, isa itong tanong sa beauty pageant na nangangailangan ng witty na sagot. Pinili ko yung lalaki sa lalaki dahil sabi ko, sa tingin ko sila ang mas kawawa sa lipunan natin–sila ang mas madalas pinagtatawanan, nagiging tampulan ng panunukso, at pandudusta ng taumbayan. Totoo naman, hindi ba? Kumpara sa mga babaeng magka-relasyon, mas madalas na may halong diri at suya sa mga lalaki magsing-irog (uy, lalim!). Ito ay isang pag-iisip sa ating mga Pilipino na mukhang matatagalan pa bago mabago.

Ipapaliwanag ko pa sana ang mga sinabi ko pero nilinaw niya ang tanong. Sa labas daw ng TV, sa totoong buhay, ano daw ba ang mas gusto kong makita? Natigilan ako nang slight hindi lang dahil tungkol din ito sa akin, kung hindi dahil hindi ako sanay na ganoon ang paksa ng pag-uusap namin. Nag-uusap kami tungkol sa pamilya, trabaho, sa internship niya, mga palabas sa TV, mga balita, at kung ano-ano pa, pero hindi pa ang usapin ng homosexuality. Ganoon din sa pamilya namin. At kung mapag-usapan man, ito ay dahil lumabas sa The Buzz si Charice o ayaw umaming bading ni Papa P. Sa madaling salita, hindi pa ‘ko prepared sa ganitong usapan.

Alam ko na sa aming pamilya, wala pang lubos na nakakaintindi rito dahil wala namang ibang bading o tomboy sa amin maliban sa aking second cousin na nakaranas ng pang-aalipusta mula sa kanila, at sa akin na hindi pa umaamin. Sa totoo lang, masakit na marinig mula sa mga Tito, Tita, at mga pinsan ko ang panlalait sa mga bading at tomboy. Sabi ko sa sarili ko, kailangan kong ipaunawa sa kanila unti-unti. Kaya bagama’t may TV sa aming background, nagbaka-sakali ako at sinubukan kong simulan ang “pangangaral” sa aking pinsan.

“Pareho, lalaki sa lalaki at babae sa babae,” sabi ko. “Kasi pareho lang naman ‘yun eh. At wala namang masama ro’n.” Sa puntong ito, napansin kong nag-iba ang reaksyon ng kanyang mukha. Iyon bang parang nagulat dahil maaaring hindi niya inaasahang ganoon ang aking palagay o marahil ay iba ang kanyang opinyon.

Hindi ko na itinuloy, binalik ko na lang sa kanya ang tanong. “Ewan ko,” pa-safe na sagot niya. “Sabi kasi ng mga classmate ko masama daw ‘yun eh.” Nakalimutan kong banggitin na hindi naman menor-de-edad itong kausap ko at hindi ko mawari kung bakit wala siyang sariling palagay ukol dito. Pero gaya nga ng sinabi ko, nagpapa-safe lang siguro siya para hindi lumabas na magka-iba kami ng opinyon.

“Christian ‘yung kaklase mo, noh?” (Sorry na sa pagiging judgmental pero sila kasi ang karaniwang may ganyang pananaw sa buhay.)

“Oo.”

“Sabi na. Maiintindihan mo rin ‘yan balang araw.” Ito na lang ang nasambit ko.

Ang dami kong gustong sabihin gaya ng talakayan namin kapag kausap ko ang mga kaibigan kong bading din gaya ko. Gusto kong ipaintindi sa kanya at sa aming pamilya, ‘pag nagladlad na ‘ko, kung bakit hindi masama ang maging bakla o tomboy at ang umibig sa kapwa lalaki o babae. At na gaya ng bawa’t heterosexual na “mag-jowa”, dapat ding bigyan ang bawa’t homosexual couple ng pantay na karapatan at pagtrato.

Para sa akin, ang sexuality o homosexuality ay isang sensitibong paksa na kailangan ng malawak na pag-unawa at bukas na pag-iisip. Pero sapagkat mahirap mangaral sa mga oras na iyon dahil malapit nang matapos ang commercial, naisip kong sa ibang araw na lang magbigay ng bonggang gender sensitivity education.

Ang picture sa itaas ng entry na ito ay walang konek sa nilalaman. Wala lang ‘yan. Gusto ko lang i-post. :p

PAGLILINAW: Ang salitang ‘bading’ ay ginamit din upang ipakahulugan ang ‘tomboy’.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s